Wednesday, August 22, 2007

masarap at matamis

nagkataon lang na buwan ng wika ngayon.

sa bahay namin kung saan ako lumaki, pilipino ang salita namin. iyan ang kinagisnan ko. diyan ako sanay na magsalita at magkwento. nag-iba lang nga sa pagdaan ng mga taon dahil sa pangangailangan sa pag-aaral, mga kaibigan, at sa trabaho. ingles na ang malimit na ginagamit ko ngayon. pero hindi ko naman nakakalimutan ang mag-pilipino. isa nga sa mga frustration ko ay hindi masyadong marunong magsalita ng pilipino ang mga anak ko. pinay at pinoy sila sa lahat ng bagay pwera sa pagsasalita. kasalanan ko na hindi ko sila sinanay. ngayon, naghahabol kami. kasi sayang naman talaga.

noong isang gabi lang naisip kong tunay na maganda ang ating wika. nagmaneho ako papuntang meeting namin ni gary dahil medyo matamlay siya. habang nakatigil kami sa trapik, tumawag sa celfone niya ang isang pasyente. tila ooperahan siya ng ibang doktor at marami siyang mga tanong para kay gary. mukhang nag-aalinlangan sa nalalapit niyang operasyon. tila gusto niya na nandoon din si gary kahit na hindi siya ang mag-oopera sa kanya. pilipino ang usapan nila. derechong nagsalita si gary at walang bahid ng ingles ang mga sagot niya. madaming po at opo. matunog. nakakatuwa. masarap pakinggan.

iyan ang hindi namin mararanasan kung sa ibang bansa kami nagtratrabaho. iba siyempre. ingles ang usapan doon. madali lang naman yon. kung tutuusin, mas madali ngang sa ingles ipaliwanag ang mga sakit o operasyon o gamutan na gagawin namin sa mga pasyente namin. pero sa totoo lang, mas masarap ang makipag-usap sa wika natin, lalo na sa mga pasyenteng sanay din mag-pilipino. naaalala ko yung mga pagkakataong ganoon. parang mas maliwanag ang usapan. parang mas may saysay ang kanilang naririnig. at ganoon din ang nararamdaman ko habang naririnig ko ang aking sariling makipag-usap. sa wika natin, hindi lang naririnig ang mga salita. parang nakikitang nangyayari ang pinag-uusapan. hindi masyadong pormal. kuhang-kuha ang damdaming dala ng mga salita. gaya ng pag-aalinlangan at pagmamalasakit, na sinusundan naman ng pagkapanatag ng loob. pagkatapos ay ang pagpapasalamat na nagmumula sa puso. damang-dama iyon lahat. at tunay namang kay tamis na marinig at maramdaman iyon.


2 Comments:

Blogger mama_aly said...

tama ka kapatid. hindi tuloy nababatid ng kabataan ang mga salitang nakatutumbok sa niloloob o nakapaglalarawan sa ibig ipahiwtig. paano nga ba't hinahayaan nating mabalasubas ang salitang pilipino... solmux nga ba ang gamot pangubo na may commercial na ang ginagamit ay "MINIMELT"?... mayroon naman tayong salitang "TINUTUNAW"!!!! Tama bang lagyan ng unlapi ang melt?

Saturday, 25 August, 2007  
Anonymous Anonymous said...

Mabuhay ang Wikang Pambansa! Tunay itong malumanay,malambing pakinggan at nasasakop and kalooban, damdamin, ugali at pagkatao ng Pilipino.

English makes us sound and feel: Ral-ly Arrogante!

e.g. young man walks up to a beautiful young lady and says

Hi! I'm Roque! You look lost. Can I help you?

The young lady turns away. Scared.

or, he can say:

Mawalang galang lang po. Naliligaw yata kayo. Ako po si Roque. Maari po ba kayong mapaglinkuran?

The young lady answers:

"Ako si Mara. Hindi na ako ligaw dahil sa nakita na kita!"

Ang childhood friends dati mag-kumare na ngayon.

Wednesday, 29 August, 2007  

Post a Comment

<< Home